Ang Parabula ng MRT Kard
Isang araw, may isang babae (itago na lang natin sa pangalang KE) na nakalimutang hingin ang baon niya sa kanilang kasambahay. Pumasok sha ng walang baon sa araw na iyon at tanging natitirang pera sa kaniyang bag ay mga sukli mula sa mga dati pa niyang baon. Sa isip-isip niya, "Sige, oks lang. Sapat pa naman ang perang ito hanggang hapon pauwi. May MRT kard naman ako kaya magkakasya pamasahe ko." Taglay ang thought na iyon, masaya niyang hinarap ang araw.
Pagsapit ng hapon, umuwi siya ng maaga upang simulan na ang kaniyang matagal nang nabinbing thesis. Pagdating niya sa MRT station, ang haba ng pila. Natuwa siya. Kasi siya may MRT kard at di na kailangang pumila pa, astig. Kinapa niya ang bulsa sa kanyang bag kung saan palagi niyang nilalagay ang MRT kard. Aba, wala dun. Hmm, ma-double check nga...calling card ng Accenture, discount card sa parlor, UP ID, creative shot ni Doyti, ninenok ng kaibigan na picture ni *toot*, globe sim card, tiket ng bus na sinakyan kahapon. Syet, wala talaga! Kamusta naman, eksakto pambus at pangtraysikel na lang ang pera niya. Ano nang kanyang gagawin?!
Isip, isip. Hmm...aha! Text kagad sa MRTmate na laging kasabay pauwi! Okay, text...Nako, di kagad nagreply. Ano pa ba? Aha! Text sa sinasabayan minsan pa-Makati! Hintay ng reply...Yikes, di pwede, may lakad pa sha. Si MRTmate na lang...Oh no, may review siya at di pa uuwi. Patay, maglalakad na ata talaga siya pauwi. Hay. Bahala na, mabuti pang bumili na lang ng bagong MRT kard.
Pumila si KE sa mahabang pila ng MRT, nag-iisip ng paraan para makauwi habang dahan-dahang umuusad sa linya. Nang sa wakas ay makaabot na siya sa tagapag-bigay ng MRT kard, may tinig siyang narinig na sumambit sa kanyang pangalan. "KE!", a nito. Agad na lumingon si KE at nakitang ito pala'y isa niyang batchmate! Wahahahaha! Laking pasasalamat niya sa tadhana! Akalain mo nga naman! Lumapit sha sa batchmate niya at kinuwento sa kanya ang dilemma niya. Malugod namang pinahiram ng labin-limang pisong kulang pangcommute ng kanyang batchmate si KE upang siya'y makauwi. Sabay silang sumakay sa MRT at masayang nagchikahan pauwi.
*****
Mga bata, ay tatlong importanteng aral na makukuha mula sa parabulang ito:
1) Huwag tatanggap ng kahit anong ninenok na bagay mula sa kaibigan kahit pa maganda ang intensiyon niya sa pagbibigay sayo nito (dahil kakarmahin ka pag lumaon sa pagkawala ng MRT kard na P71 pa ang laman)
2) Maghintay ng kakilala sa MRT station pag nalagay sa sitwasyong hindi sapat ang salapi pauwi (epektibo itong panlutas ng suliraning kinahaharap)
3) Huwag mataranta kapag nalagay sa kahit anong sitwasyong tila napaka-ironic at napagsukluban ka na ng langit. Kaya pang gawan ng paraan yan. Kung di ikaw ang gagawa ng paraan, may ibang gagawa ng paraan para sayo. At SIYA yun, yung nasa itaas. (o, di ba? may sense itong pangatlo). Minsan kasi akala mo ikaw na lang talaga ang gumagawa ng lahat ng paraan para mangyare ang mga bagay sa buhay mo. Pero hindi rin. Di kailanman magkakaroon ng panahon na wala kang pera at mag-isa ka. Dahil hindi ka nag-iisa.
At iyan ang makabuluhan at may kalalimang konklusyon sa tila walang katuturang entry na ito.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home